link: click VIDEO to watch
Thanks to NinoyAquinoTV for the upload
Pag mulat ng mata, langit nakatawa sa Batibot (sa Batibot)... Lahat ng batang pilipino na lumaki sa Pilipinas noong dekada otsenta ay maaari nang tawaging batang batibot. Bakit??? Dahil kasabay ng paglago ng palabas ng Batibot ay ang paglaki ng mga batang sumubabay sa palabas na ito. Masasabing local version ng Sesame Street ang palabas na ito dahil ang mga gumawa nito ay siya ring gumawa ng dayuhang palabas na unang nabanggit. Ang unang pangalan nito ay Sesame! at kinalaunan ay pinalitan sa Batibot. Ang bawat umaga ng batang pilipino ay umagang iginugol sa panonood ng nito. Ang Batibot ay isang napaka-informative na palabas na pambata. Bida dito ang isang napakalaking pagong na nagngangalang Pong, isang matsing na si Kiko, isang makakalimuting manghuhulang si Manang Bola, ang kambal na magkapatid na si Ning-Ning at Ging-ging, ang mga kakaibang nilalang na sina Sitsiritsit at Alibangbang. Siyempre naroon rin ang mga ate at kuya ng Batibot na sina Ate Sienna, Ate Isay, Kuya Bodjie, Kuya Ching at Kuya Dwight. Hindi lamang ang mga tauhang ito ang nanatili sa puso't isipan ng mga batang Batibot. Pati ang mga aral na itinuro sa pamamagitan ng mga orihinal na kanta sa Filipino, kwento at dula ay naaalala pa rin. Sa katunayan, kayang-kaya pa ring kantahin ng mga batang tumutok sa pambatang palabas na ito ang "Tinapang Bangus", "Alagang si Puti", "Bangkang Papel" at ang kantang "Alin, Alin, ALin ang Naiba?" Nagpapakita sila ng mga video tungkol sa isang paksa na siya namang sinasaliwan ng mga awit na ito. Ang mga video, tulad ng sinaliwan ng awit na Tinapang Bagnus, ay nagpapakita ng malinis na paggawa ng tinapa na karaniwang inilalako noon. Gayun din ang awit na Bangkang Papel, ipinapakita naman nito ang paggawa ng bangka mula sa papel o dyaryo na maaaring paglaruan kung sakaling hindi makalabas at makalaro kasama ang mga kaibigan dahil umuulan. Bukod sa mga awiting ito na nagtuturo ng isang konsepto, mabisang mabisa rin ang mga kwento na karaniwang isinasalaysay ni Ate Sienna o Kuya Bodjie. Ang kwento tungkol sa Pamilya Ismid ang aking pinakapaborito at di malilimutan. Ito ay tungkol sa isang pamilya ng baboy na mayabang at mapagmataas. Ngunit nang sila ay manakawan, nakita nila ang malasakit ng kanilang mga kapitbahay sa kabila ng kanilang ipinakita. Itinuro sa kwento na ang pagpapakumbaba at pakikisama ay ilan sa magagandang ugaling Pilipino na dapat nating isabuhay. May mime rin ang Batibot. Kung hindi ako nagkakamali, si Kuya Dwight ang gumaganap na mime dito. Bukod dito, nag-iimbita rin sila ng mga artista bilang panauhin sa palabas. Natatandaan kong naging isa sa mga ito si Regine Velazquez. Ang pormat ng palabas na ito ay tunay na pinag-isipan at pinagbuhusan ng panahon at matagal na naging bahagi ng mundo ng mga bata noong 80's ang Batibot. Ngunit, tulad ng lahat ng bagay, ang Batibot na ating minahal ay mayroon ding katapusan. Tulad nating batang batibot na ngayon ay tiyak na hindi na bata, tila naabot na rin ng Batibot ang kanyang paglaki. Natapos itong ipalabas sa ere noong taong 1996. Ngunit, narating man natin pareho ang huling taon ng ating pagkabata, ang Batibot ay habangbuhay na mananatili sa ating puso't isipan.
Blog and ping
No comments:
Post a Comment