Bilang isang guro, marami-rami na ring mga kwentong pambata ang aking naisalaysay sa aking klase. Palibhasa'y ang tinuturuan ko ay mga bata (2 1/2 hanggang 5 1/2 taong gulang) at dahil "namulat ang aking mga mata" sa dekalidad na mga pambatang programa tulad ng Batibot, hinahanap hanap ko ang mga kwentong di nalalayo dito.
Natatandaan pa ba ninyo ang Alamat ng Ampalaya? Kung paano ninakaw ng isang di kilalang nilalang ang kulay ng lahat ng gulay na nakitra sa isang baryo? At dahil sa matinding kasakiman, imbis na lalu pang maging maganda ay kumulubot ang kanyang balat at naghalu-halo lahat ng kanyang mga ninakaw na kulay at nagmukhang isang kakaibang gulay? Ito ang naging unang-unang ampalaya. Dahil sa kanyang inggit sa bawat magagandang katangian ng bawat gulay na kanyang kapitbahay, natulak itong gumawa ng isang hindi kaaya-ayang gawa.
Bukod sa Alamat ng Ampalaya, malamang ay pamilyar rin sa inyo ang alamat tungkol sa isang batang para masunod lamang ang gusto ay walang pag-aatubiling papalahaw ng iyak. Dahil sa kanyang ganitong pag-uugali, kinaiinisan siya ng lahat ng kanilang kapitbahay. Paano ba naman ay walang pinipiling oras ang kanyang pagpalahaw. Kahit sa kalaliman ng gabi o sa madaling araw ay umiiyak ito para lamang mapagbigyan ang gusto. Isang araw, hindi na nakatiis pa ang isang diwata ang pinarusahan siya at ginawang isang sibuyas.
Ang mga kwentong ito ay mula sa panulat ng isang bantog at batikang manunulat na si Ginoong Augie Rivera. Iilan lamang ang mga alamat na ito sa kanyang mga obra maestra. Si Ginoong Rivera ay isa sa mga nagtatag ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING), isang samahan ng mga manunulat ng kwentong pambata. Siya rin ang punong tagapanulat ng Batibot, ang ating pinakamamahal na pambatang palabas.
(Si G. Augie Rivera ang nasa kaliwa)
Kanina, habang ako ay nagpapatuloy sa paghahanap ng aking maaaring gawing akda para sa aking blog na ito, ako ay pinalad na matuklasan ang isang multiply site na may video ng opening billboard ng unang season ng Batibot noong 1984.
(click VIDEO to watch)
Credits:
Lyrics by Rene O. Villanueva
Music by Louie Ocampo
Copyright: Philippine Children's Television Foundation Inc.
Dito nakalahad ang personal na kwento ni Sir Augie kung papaano niya naisalba ang tape na naglalaman ng isa sa mga lumang opening ng Batibot. Sa loob ng isang minuto at tatlumpu't siyam na segundo ay tiyak na makakalimutan mo ang kasalukuyan. Kapansin pansin sa dami ng mga komento sa akdang ito na halos lahat ay lubos lubos ang pasasalamat sa pagkakataong muling masilayan ang palabas. Lahat ay napabaliktanaw sa kanilang pagkabata at hindi naiwasang malungkot at maiyak dahil sa tindi ng nostalgiang naramdaman.
Kung nais ninyong mapanood ang video ng opening billboard na ito at masilayan ang orhinal na akda ni Ginoong Augie Rivera, pindutin lamang ang link sa ibaba ng larawan.
Habang tayo'y naghihintay sa pagbabalik ng ating pinakapaboritong palabas, nawa'y makapaghatid ng ligaya ang maikling video na ito!
Mabuhay ang Batibot!
Related articles: Eulogy for Mr. Rene O. Villanueva written by Augie Rivera
No comments:
Post a Comment